Home
| Tinig ng Kabataan (Jun. 2009) |
|
|
|
|
Thumbs Up! Lyra Joyce U. Morales Siguro ay hindi lahat tayo, pamilyar sa katagang ito. At kung ating hihimay-himayin ang ating pagkaunawa dito ay tiyak na may iba-iba tayong interpretasyon o pakahulugan.” Thumbs-up” isang senyales na ginagawa natin kapag ang isang bagay ay maayos, plantsado, walang pagkakamali, hindi kulang at hindi rin naman sobra o sa madaling salita, ito’y aprubado, OKEY! Subalit kung susuriin natin itong mabuti, may mas malalim pa itong kahulugan. Hindi ba’t kapag nag ta-thumbs-up tayo, ang itinataas natin ay ang hinlalaki ng ating daliri na bahagi ng ating kamay? At saan ba natin karaniwang ginagamit ang ating hinlalaki? Napakarami nitong kapakinabangan, sa pamamag-itan nito, nagsisilbi itong isa sa ating pagkakakilanlan at tatak ng ating pagkatao.
Tunay na bahagi na ng ating buhay, simula pa noong una hanggang sa kasalukuyang panahon ng modernong pamumuhay ang maghalal at magluklok ng mga karapat-dapat at sa pananaw natin ay malaki ang mgagawang reporma para sa bayan. Meron bang kaugnayan ang “thumbs-up” sa isyung ito? Oo, meron, may malaki itong gampanin hindi lang para sa ikabubuti ng kalagayan ng bawat isa, kundi para na rin sa ibang tao at lalo na para sa bayan. Nangangahulugan ang “thumbs-up” na kailangan nating magparehistro kung nasa hustong gulang na tayo sapagkat ito ang magiging daan para makaboto tayo at para maging kapaki-pakinabang tayong mamamayan. Tungkulin at karapatan natin na makialam sa lahat ng nagaganap sa ating paligid lalo’t higit tuwing kasagsagan ng halalan. Huwag nating ipagsawalang-bahala at sayangin ang mga pagkakataong ito, tayo mismo ang magsisimula ng nais nating pagbabago, una disiplina sa sarili at ang paggampan sa napakahalagang responsibilidad na magparehistro at bumoto. Lahat ng tao, bata man o matanda ay saksi sa napakarami at samu’t saring usaping pampulitika. Noon pa man, ito ang isang suliranin na lahat ay naaapektuhan. Kaya imulat natin ang ating isipan at lakasan natin ang ating pandinig kaysa maging bulag at bingi tayo sa katotohanan. Katotohanang magpapalaya sa ating mga damdaming puno ng hinaing at magpapatibay ng ating paniniwala na may bukas pa, na may pag-asa pa at may pag-usad pa. Sana ay sama-sama tayong mag-thumbs-up at magpunyagi sa ating mga dakilang adhikain para sa kaayusan at kaunlaran. May kalayaan tayo na sundin ang isinisigaw ng ating mga damdamin sa pamamag-itan ng malinis at mabuting pamamaraan. Alam ko na unang kasangkot dito ang mga kabataan na may marubdob na pagmamahal sa bayan at may pagmamalasakit sa kapwa. Naninindigan ang mga kabataan na sila pa rin ang numero unong inaasahan at tunay na may maitutulong sa bayan. Kaya kabataan at sa lahat ng taong bahagi ng ating lipunan, makialam! magparehistro! , maging wais sa pagboto at iluklok ang mga lider na tapat, marunong gumampan sa sinumpaang tungkulin at makakatitiyak tayo na hindi tayo magsisisi sapagkat sila ay mga pinunong tunay na aapa sa taong-bayan. Kaibigan, ano pang hinihintay mo? Mag-“THUMBS-UP ka na!!! Ratsada News June 2009 |
| < Prev | Next > |
|---|



