|
Araw ni Manuel Luis Quezon |
|
|
|
|
Pagbati!
Ngayon araw, ating ginugunita ang ika-isandaan at tatlumpu’t dalawang (132) taon ng ating Pangulong Manuel Luis Molina Quezon. Ang “Ama ng Wikang Filipino.” at tinagurian ding “Ama ng Republika ng Pilipinas”.
Tigib sa kasiyahan ang aking nararamdaman sa pagtitipon natin sa umagang ito. Ang ating selebrasyon ngayon ay ang ating positibong pagtalima, pag alala at pagbibigay pugay sa mga mahahalagang naiambag ng taong isa sa mga umukit at nagsilbing instrumento sa ating tinatamasang kasarinlan at malayang pamahalaan na pinamumunuan ng mga tunay na Pilipino at di ang mga kolonyalistang banyaga.
Hayaan po ninyo akong maglahad ng ilan sa kanyang mga di malilimutan nagawa sa bayan na kapupulutan natin ng repleksyon bilang isang tunay na Pilipino. Si Quezon bilang isang “resident commissioner” sa Kongreso ng Estados Unidos ay masigasig na nagsusulong ng kasarinlan ng Pilipinas sa kabila ng kawalan ng karapatang bumoto sa mga kasunduan. Bunga ng kanyang kasipagan ang Batas Jones na nangangakong kikilalanin ang kasarinlan ng mga Pilipino ng mga panahong iyon.
Sa kanyang Pagiging Pangulo ng Commonwealth marubdob niyang isinabuhay ang nasyonalismo. Itinayo ni Quezon ang Surian ng Wikang Pambansa, na naglalayong lumikha ng isang pangkalahatang pambansang wika para sa mga Pilipino. Noong Nobyembre 1937, inirekomenda ng Surian na gawing pambansang wika ang Tagalog, kung kaya noong ika-30 ng Disyembre 1939 ay idineklara ni Quezon na Tagalog ang magiging pambansang wika ng Pilipinas.
Kaygandang sariwaiin at gawing inspirasyon ang kanyang mga nagawa at mga isinabuhay bilang isang pulitiko o opisyal ng bayan at higit sa lahat bilang isang tunay na mamamayan ng bansang Pilipinas.
Tunay ngang nasasalamin sa kanyang katauhan ang mga katagang nakaukit sa kanyang huling himlayan: “Mahusay na tagapamahala at bayani,| Mapagmahal sa kalayaan,| Tagataguyod ng panlipunang katarungan,| Minamahal ng kanyang bayan”. Dalangin ko na ito ang mamutawi sa bawat isang Maubanin. Kahit tayo ay wala sa katungkulan, kahit wala tayong malaking kayamanan, maaari tayong maging isang Manuel L. Quezon sa ating sariling pamamaraan. Isabuhay po natin ang kanyang pagmamahal sa bansa sa pamamagitan ng ating pagmamahal sa wika at pagmamahal sa ating bayan ng Mauban
Muli, Maligayang araw sa ating minamahal na Manuel Luis Quezon, maligayang araw mamamayan ng ating bayan ng Mauban.
|